-- Advertisements --

Pumanaw na sa edad na 48-taong gulang ang isa sa mga lead vocalist ng bandang Aegis na si Mercy Sunot matapos makipaglaban sa sakit na breast at lung cancer.

Kinumpirma ito ng bandang Aegis sa kanilang social media post. Pinasalamatan nila si Sunot dahil sa naiambag nito sa musikang Pilipino. Nakiramay rin ang mga kasamahan niya sa musika sa kanyang pagpanaw.

Bago pumanaw ay naibahagi pa ni Sunot sa social media ang kanyang laban sa sakit na cancer kung saan kamakailan lang din ay sumailalim ito sa operasyon.

Maalalang pinasikat ng grupong Aegis kasama si Sunot ang mga kantang ‘Luha’, ‘Halik’, at ‘Basang-basa sa ulan’ noong 90’s na hanggang ngayon ay patuloy na tinatangkilik ng bawat Pilipino.