Inagawan ng korona ni Barcelona at Argentina striker Lionel Messi si five-division boxing world champion Floyd Mayweather ng titulo bilang highest paid athlete sa buong mundo.
Ayon sa Forbes, kumita ng $127 milyon mula sa kaniyang sweldo at endorsement si Messi na nakatulong sa kanya upang pumuwesto sa tuktok ng listahan ng world’s 100 highest-paid athletes.
Nasa top five din sina Juventus forward Cristiano Ronaldo ($109 million); Paris Saint-Germain forward Neymar ($105 million); Mexican boxer Canelo Alvarez ($94 million); at Swiss tennis great Roger Federer ($93.4 million).
Pangunahing rason naman sa hindi pagkakapasok ni Mayweather sa Top 100 ay ang pagkakaroon lamang nito ng exhibition match noong Disyembre sa Japan.
Ang retiradong American boxer ang nanguna sa listahan noong nakaraang taon, at apat ding beses sa pitong taon.
Pinangunahan naman ng mga player mula sa NBA ang top 100 sa bilang na 35, kung saan walang tataas sa sahod ni Los Angeles Lakers superstar LeBron James na inokupahan ang No. 8 bitbit ang kabuuang kita na $89-milyon.
Batay sa Forbes, pumalo sa kabuuang $4-billion ang sweldo ng mga atleta sa listahan sa nakalipas na 12 buwan, at tumaas ng 5% kung ihahambing sa kabuuang kita na $3.8-billion noong nakaraang taon.
Sinabi rin ng Forbes na dinomina ng mga Amerikano ang listahan sa bilang na 62 atleta.
Sumunod ang United Kingdom na mayroong limang atleta, tatlo sa France at Spain, habang ang Brazil, Canada, Dominican Republic, Germany, Serbia at Venezuela ay may tigdadalawa.