Tinanggal na ng Meta ang mga restriction sa Facebook at Instagram account ni dating US Pres. Donald Trump, kasabay ng nalalapit na 2024 election.
Batay sa statement na inilabas ng social media giant, kinikilala umano nito ang karapatan ng mga US citizen na marinig ang mga nominado sa pagkapangulo ng bansa.
Ito ay bahagi umano ng responsibilidad ng Meta na payagan ang political expression.
Ayon pa sa Meta, ang lahat ng US presidential candidate ay mananatiling gagabayan ng community standards. Ang naturang standard ay katulad din ng gumagabay sa lahat ng mga Facebook at Instagram users sa buong mundo.
Unang sinuspinde ng Meta ang mga account ni Trump dahil sa kanyang pagpuri sa mga taong nagrally, umatake, at nanghimasok sa US Capitol noong Jan 2, 2021, kasabay na rin ng paglisan sana nito sa presidential seat.
Noong 2023 ay ibinalik din ito ng social media company ngunit isinailalim din sa mahigpit na monitoring, kasabay ng babala na muli itong sususpendihin kung mayroong lalabagin muli ang natalong presidente.
Maliban sa Facebook at Instagram, una ring pinagbawalan si Trump noong 2021 sa Twitter na ngayo’y tinatawag na bilang X.
Gayunpaman, agad ding ibinalik ng X ang kanyang account noong 2022, kasunod ng pagbili dito noon ng US billionaire na si Elon Musk.
Samantala, dati na ring pinagbawalan si Trump sa Youtube at Snapchat dahil pa rin sa January 6 attack. Noong 2023 ay ibinalik na ng Youtube ang kanyang account ngunit hanggang ngayon ay nananatili pa rin siyang banned sa Snapchat.