-- Advertisements --

Kadalasang ginagamit ang kemikal na methanol para gayahin ang anyo ng kapwa kemikal nitong ethanol na isa sa pangunahing sangkap sa paggawa ng alak.

Pero ito rin ang kemikal na itinuturong kumitil sa buhay ng 11 katao sa bayan ng Rizal sa Laguna matapos uminom ng lambanog.

Ayon sa Food and Drug Administration, nabubuo ang methanol substance sa alak kung minadali o hindi tama ang naging proseso ng fermentation nito.

Mapanganib daw ito ayon sa tagapagsalita ng Philippine General Hospital (PGH) na si Dr. Jonas Del Rosario dahil walang agarang remedyo para maalis sa sistema ng katawan ng tao ang lason nito.

Mula nitong Linggo nasa higit 200 na ang bilang ng mga residente mula sa naturang bayan ang isinugod sa iba’t-ibang pagamutan dahil sa paginom ng “Emma’s Homemade lambanog.”

Malaking porsyento ng mga biktima ang dinala sa Maynila, partikular na sa PGH, East Avenue Medical Center at Rizal Medical Center. Mayroon ding mga dinala sa kalapit na ospital sa Batangas.

Sa ngayon karamihan sa mga naospital ang nasa mabuting kondisyon maliban sa isang pasyente ng PGH na nagpapa-dialysis para matanggal ang laso ng methanol sa kanyang dugo.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Bong Isles, staff ni Rizal Mayor Vener Munoz, na ilang bayan na rin sa Laguna, kasama ang provincial government ang nagpaabot ng tulong kasunod ng pagdedeklara ng state of emergency sa bayan.

Nakausap na raw ng pulisya ang supplier ng lambanog mula San Juan, Batangas at nangako ng pakikipagtulungan sa imbestigasyon ng mga otoridad.