-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nakatakdang tumungo ang mga tauhan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa Barangay Poblacion Norte, Barcelona, Sorsogon.

Ito ay upang personal na suriin at berepikahin ang nakitang marine o meteorological buoy sa karagatang bahagi ng naturang lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Weather Specialist Jaime Bordales Jr., wala pang impormasyon na nakakalap ang weather agency sa kung saan o sino ang may-ari ng naturang instrumento.

Batay kasi sa mga kuhang larawan na ibinahagi sa social media, walang nakitang markings na pagmamay-ari ito ng PAGASA lalo pa’t wala ring natatanggap na ulat mula sa central office kaugnay sa nawawalang marine buoy.

Ayon kay Bordales, dito sa bansa ay hindi lang ang weather bureau ang gumagamit ng naturang marine buoy kundi maging ang Department of Science and Technology – Advanced Science and Technology Institute (DOST-ASTI).

Hindi rin inaalis ang posibilidad na nagmula ito sa mga weather agency ng ibang bansa.

Abiso ni Bordales sa publiko na kung sakaling mayroong makita ng ganitong mga instrumento sa karagatan, huwag galawin o kunin imbes direktang ipaalam sa mga weather agency kaysa i-post sa social media upang maiwasan na pag-interesan ng iba.

Binigyang diin nito na mahalaga ang mga ganitong bagay dahil ginagamit ito sa pagmonitor ng mga meteorological parameters sa karagatan.