-- Advertisements --

Sa gitna ng clinical trials na ginagawa ng Department of Health sa mga gamot na nasa ilalim ng World Health Organization (WHO) solidarity trial, isang gamot muli ang isasalang ng ahensya bilang posibleng lunas sa COVID-19.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, pamumunuan ng Department of Science and Technology (DOST) ang trials melatonin, na gagawin sa ilang ospital sa Metro Manila at Cebu.

Ang melatonin ay isang uri ng gamot para sa makatulong sa pagpapatulog isang indibidwal.

“Ang trial na gagawin sa pamumuno ng DOST ay gagawin sa ilang ospital sa Metro Manila at Cebu sa loob ng 4 na buwan,” ani Vergeire.

Sa ilalim ng gagawing trial, titingnan daw ng mga ahensya kung makakatulong ba ang melatonin para mabawasan ang paggamit ng severe at critical COVID-19 patients sa mechanical ventilators.

“Kasalukuyan pa pong tinutukoy ang mga ospital kung saan isasagawa ang trial at fina-finalize pa po ang protocol bago ito isailalim sa approval ng ethics committee at sa registration sa FDA (Food and Drug Association).”

Una nang sinabi ni DOST Sec. Fortunato de la Peña na naglaan ang kanyang kagawaran ng P9.8-milyong pondo para sa trials na iminungkahi ng Manila Doctors Hospital.

Bukod sa Pilipinas, ilang bansa na rin ang nag-aaral sa epekto ng melatonin sa ilang uri ng sakit sa respiratory system.