Inihayag ni Metro Manila Council President Francis Zamora na plano nitong imungkahi na baguhin ang mall hours sa National Capital Region.
Layon nito na matugunan ang nararanasang mas matinding trapiko sa buong rehiyon.
Sa kaniyang palagay ay hindi aniya dapat na magsabay ang mall hours at ang rush hour o dapat aniya na magkaroon ng standard operating hours ang mga mall.
Aniya, ito ay imumungkahi pa lamang niya sa iba pang miyembro ng naturang konseho sapagkat marami pa aniyang bagay ang kanilang kailangan na mapagpulungan ukol dito.
Kasabay nito ay ipununto rin ni Zamora na magandang suhestiyon din aniya ang kalimitang kanilang ipinapatupad tuwing Christmas season bilang tugon sa masikip na daloy ng trapiko.
Kung maaalala, kamakailan lang ay may ilang mga lokal na pamahalaan ang nagpatupad ng bagong work schedule sa kani-kanilang mga lugar mula alas-7:00am hanggang alas-4:00pm upang hindi naka-spread out ang peak hours sa rehiyon at makatulong na rin sa pagtugon sa masikip na trapiko sa buong Metro Manila.