Tiniyak ng Metro Manila mayors na buo ang kanilang suporta sa Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing Program (4PH) ng kasalukuyang administrasyon.
Sa isang joint press conference, sinabi ni Metro Manila Council President at San Juan City Mayor Francis Zamora na pangarap niyang mabigyan ng maayos at disenteng pabahay ang lahat ng mga informal settler families sa kanyang lungsod.
Ayon sa Alkalde, maaaring ilagay ang staging area ng 4PH program sa mga government-owned properties at private-owned properties na tinaguriang idle land o bakanteng lote.
Bukod dito ay maaari rin aniya na magbigay ang pamahalaan ng insentibo para pansamantalang itayo sa mga nabanggit na lugar ang pansamantalang lilipatan ng mga benepisyaryo, bago sila tuluyang dalhin sa pabahay project ng pamahalaan.
Aminado rin ang opisyal na hindi maiiwasan ang problema ng kanilang mga residente.
Karamihan sa kanila ay tumatanggi at nagdadalawang isip dahil napapalayo sila sa kanilang tirahan. Dahil dito ay napakagandang plano aniya ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang pagkakaroon ng staging area malapit sa relocation site.