-- Advertisements --
IMG 20230304 144047

Siniguro ng Metropolitan Manila Development Authority na handa ang pamahalaan sa darating na transport strike sa Lunes sa papamagitan ng pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya kasama na ang Philippine National Police.

Bilang solusyon sa mangyayaring transport strike ay magkakaroon ng libreng sakay at idedeploy ang 25 sasakyan tulad ng commuter vans, regular at air conditioned bus, at military trucks.

Kasabay ng deployment nito ay ang 2,000 Metro Manila Development Personnel na siyang magmomonitor at tutulong sa mga pasahero sa kasagsagan ng transport strike.

Sa ngayon ay wala pang pinal na ruta ang mga sasakyang idedeploy, at kasalukuyan pang pinag uusapan ng ahensya dahil anila idedeploy lamang ang mga ito sa mga lugar kung saan kinakailangan ng sasakyan.

Dagdag pa ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Romando Artes, ayon umano sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board, 94% sa mga jeepney driver ang hindi sasama sa transport strike kaya naman, upang hindi ma apektohan ang mga mamamasadang jeepney driver, pili lamang ang lokasyon ng deployment ng mga sasakyan para sa libreng sakay.

Naka abang naman ang Philippine National Police kasama ang ilan pang ahensya para masiguro ang peace and order sa isang linggong transport strike.

Sakali umanong magkagulo ay makikipagdiyalogo ang pulisya sa mga transport group nang sa gayon ay masolusyonan ito.

Samantala, hinihikayat naman ng Metro Manila Development Authority na kung maaari ay magkaroon nalang muna ng online classes sa halip na face to face upang mabawasan ang mga pasahero, pinaalalahan rin ng ahensya ang mga tao na kung hindi naman gaano kaimportante ang lakad ay ipagpaliban nalang muna ito.

Sapat naman umano ang man power ng iba’t ibang ahensya para sa darating na transport strike ngunit inamin nito na maaaring magkaroon ng delay.