Handa na ang Metro Manila na mag-transition sa Alert Level 3 ngayong patuloy na bumababa ang bilang ng coronavirus cases sa rehiyon.
Sinabi ito ni Interior undersecretary at Spokesman Jonathan Malaya na sa Oktubre 15 ay nakatakdang mapaso ang Alert Level 4 sa Metro Manila na sinimulang ipatupad noong Setyembre 16.
Ayon kay Malaya, hinihintay na lamang nila sa ngayon ang formal announcement mula sa Department of Health kung kelan maaaring maibaba ang alert level sa Metro Manila.
Sa ngayon, “napakaganda” na aniya ang pagbaba ng bilang ng mga COVID-19 cases sa Metro Manila dahil na rin sa pagbaba ng reproductive rate, positivity rate at 7-day average attack rate.
Ayon sa OCTA Research group, ang kasalukuyang reproduction number sa Metro Manila ay bumaba sa 0.61 mula sa 0.83 na naitala noong Setyembre 25 hanggang Oktubre 1.
Ang COVID-19 cases sa NCR mula Oktubre 2 hanggang Oktubre 8 ay nasa 2,140 na, mas mababa kumpara sa 3,627 cases na naitala mula Setyembre 25 hanggang Oktubre 1.