-- Advertisements --

Nanindigan ang ilang mga eksperto na dapat pa ring manatili sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila at iba pang high-risk areas sa COVID-19.

Batay sa ginawang pag-aaral ng mga researchers mula sa University of the Philippines (UP), mayroon pang 7,000 kaso ng coronavirus ang hindi pa naiuulat ng Department of Health (DOH).

Ayon kay UP Diliman Political Science Department Assistant Professor Ranjit Rye, kanilang iminumungkahi ang pagpapatuloy ng pag-iral ng MECQ sa Kamaynilaan.

Sinabi ng eksperto na base sa ginawang pananaliksik ng kanilang team, mayroong 7,119 pang mga indibidwal sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang nagpositibo sa nakahahawang sakit.

Ito umano ay base sa report ng 36 na mga testing centers sa bansa, ngunit hindi pa naisasama sa opisyal na bilang ng DOH.

Malaking dagdag din sa kaso kada linggo ang nakikita sa ilang mga siyudad sa Metro Manila tulad ng Makati, Pasay, at Las Piñas.

Maliban dito, nakikitaan din ng research team ng pagsirit ng kaso ang Maynila, Taguig, Pateros, Muntinlupa, at Caloocan.