Ipinagmalaki ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na handa na umano ang lahat ng alkalde ng 17 local government units sa National Capital Region para pangasiwaan ang COVID-19 vaccination rollout.
Sa isang pahayag, sinabi ni MMDA General Manager Jojo Garcia na nakipagpulong ang mga Metro Manila mayors sa Inter-Agency Task Force (IATF) kagabi.
Ayon kay Garcia, tinalakay ng mga alkalde at ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr. ang mga plano para sa vaccination program lalo pa’t nalalapit na ang pagdating ng unang batch ng mga bakuna laban sa COVID-19.
“Secretary Galvez assured that the initial batch of COVID-19 vaccines will arrive before the end of February. I think they can finalize it in the next few days,” ani Garcia.
Inihayag naman ni Galvez na mahigit sa 1-milyong doses ng COVID-19 vaccines ang inaasahang ide-deliver para sa pagsisimula ng vaccine rollout sa Pebrero.
Ang naturang mga bakuna ay manggagaling sa AstraZeneca, Pfizer, at Sinovac.
Paglalahad pa ni Garcia, magpopokus ang vaccination program sa Metro Manila at maging sa ibang mga siyudad tulad ng Cebu at Davao upang mapalakas ang ekonomiya.
Kaugnay nito, idinagdag ni Garcia na bibisita ang National Task Force against COVID-19 sa lahat ng mga LGUs sa Metro Manila upang tingnan ang kanilang mga preparasyon at plano para sa vaccine rollout.
“We all know that these vaccines are sensitive and will require proper handling and storage,” anang opisyal.