Bukas Metro Manila mayors sa rekomendasyong ibaba sa Alert Level 0 ang National Capital Region (NCR) ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sa isang panayam ay sinabi ito ni MMDA General Manager Frisco San Juan Jr. ngunit nilinaw na handa rin aniya ang buong rehiyon sa manatili sa Alert Level 1 hanggang sa dulo.
Aminado ang opisyal na mag ilan pang mga Pilipino ang hindi pa nababakunahan laban sa COVID-19 dulot ng kaisipang hindi na ito kailangan pa dahil sa mababang bilang ng kaso nito sa bansa, habang karamihan naman sa mga nakatanggap na ng bakuna ay kampante na.
Ayon naman kay Presidential adviser for entrepreneurship Joey Concepcion, ang pagpapalit sa Alert Level System ay magtutulak sa mga lokal na pamahalaan na pabilisin pa ang pagbabakuna upang mapahintulutan ang kanilang mga localities na maging kwalipikado para sa mas maluwag na restriksyon.
Ngunit taliwas dito ay sinabi ng Department of Health (DOH) na bumagal ang bakunahan sa bansa dahil naging kampante na ang mga tao sa pagbaba ng mga kaso ng nasabing virus.
Magugunita na una nang nahadlangan ang pagbabakuna noon dahil sa vaccine hesitancy ng ilan sa ating mga kababayan at gayundin ng mga isyu sa logistical.