Hindi sang-ayon ang mga alkalde ng Metro Manila sa muling pagbubukas ng mga sinehan.
Ayon kay Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos, nakatakdang kausapin ng mga alkalde ang national government para sa nasabing desisyon na buksan ang sinehan sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine.
Paliwanag nito na matagal na mananatili sa loob ang mga manonood at walang sapat na ventillation.
Kapag mangyari aniya nito ay maaaring dumami pa ang bilang ng mga mahahawaan.
Wala na rin aniyang gumagawa ng mga pelikula dahil sa COVID-19 pandemic.
Paglilinaw nito na suportado niya ang hakbang ng gobyerno na buksan ang ekonomiya subalit gawin sana ito ng pakonti-konti.
Sinabi naman ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na maging ang ilang mga mall owners ay hindi ring sang-ayon sa pagbubukas ng mga sinehan.
Tanging ang sinehan lamang ang kanilang hindi sinasang-ayunan subalit ang ilang negosyo na nabanggit ng gobyerno na bubuksan gaya ng mga libraries, museums, cultural centers, conference, exhibitions at ilang tourist attractions ay kanilang sinusuportahan.
Magugunitang inihayag ng national government na simula ngayong Pebrero 15 ay bubuksan ang nasabing mga negosyo at gagawing 50 percent ang magiging kapasidad ng mga dadalo sa mga misa.