-- Advertisements --
Metro Manila mayors
Mayors of Metro Manila/ Photo courtesy of San Juan Mayor Francis Zamora

Irerekomenda ng Metro Manila Council sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ang tatlong scenario kaugnay sa pagtatapos ng ikalawang extension ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Mayo 15.

Sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia, isa sa tatlo nilang mga mungkahi ay ang pagpapalawig ng ECQ ng hanggang dalawang linggo.

Ikalawang rekomendasyon ang pagsasailalim na sa general community quarantine (GCQ) sa Kalakhang Maynila.

Habang ang ikatlo naman ay ang modified na kombinasyon ng ECQ at GCQ.

Paliwanag ni Garcia, ang mga lugar na may mataas na bilang ng mga kaso ng coronavirus disease (COVID-19) ay mananatili sa ECQ, habang ang mga areas na may mababang bilang ng kaso ay ilalagay na sa GCQ.

Tiniyak naman ni Garcia na handa ang mga alkalde ng Metro Manila na tumalima sa magiging pasya ng IATF.

Ang MMC ang siyang governing board at policy-making body ng MMDA, at binubuo ng mga mayor ng lahat ng mga siyudad at munisipalidad ng NCR.