Nakatakdang magpulong mamayang gabi ang Metro Manila Council (MMC) upang talakayin ang kanilang magiging rekomendasyon kung pananatilihin o paluluwagin ang lockdown status sa National Capital Region.
Ito ay isang araw bago ang inaasahang pag-anunsyo ng Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa magiging kapalaran ng Metro Manila at mga karatig lalawigan na Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal, lalo pa’t matatapos na ang umiiral na modified enhanced community quarantine sa Agosto 18.
Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivares na chairman ng MMC, paplantsahin nila ang kanilang magiging mungkahi, na kanila namang isusumite sa Inter-Agency Task Force na siyang magbibigay naman ng final recommendation kay Pangulong Duterte.
Batid din aniya ng mga alkalde sa Kalakhang Maynila na hirap na raw ang ekonomiya ngunit hindi nila magawang isakripisyo ang mga kinakailangang health protocols upang mapigilan ang pagkalat pa lalo ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Binigyang diin ni Olivarez na masyado pa raw maaga para makita ang mga bunga ng mas pinahigpit na lockdown.
Patuloy naman ang mga lokal na gobyerno sa kanilang pagpapatupad ng disiplina sa pamamagitan ng pagpapataw ng piyansa, o pagdetine sa mga lumalabag sa mga health protocols.