-- Advertisements --

Napagkasunduan ng mga Metro Manila mayors na panatilihing sarado ang mga sinehan at mga arcade ngayong may pagtaas muli ng mga kaso ng COVID-19 sa rehiyon.

Ayon kay Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos, bumabalangkas na raw sila ng resolusyon upang maisapormal na ang naturang desisyon.

“Metro Manila Mayors will have one policy, one voice as far as Metro Manila is concerned. Movies, arcades, cinemas, will be suspended temporarily because of this upsurge,” saad ni Abalos sa isang pahayag.

Sa loob din aniya ng tatlong linggo hanggang isang buwan ay magsasagawa ng assessment ang mga otoridad bago magpasya kung muling bubuksan ang naturang mga establisyimento.

Ang nasabing development ay kasunod ng pagpalo sa mahigit 3,000 ng mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas sa loob ng ikalawang sunod na araw, at isa sa mga pinakamataas na daily case count sa loob ng nakalipas na apat na buwan.

Una nang nanindigan si Health Secretary Francisco Duque III na masyado pa raw maaga sabihin kung nasa second wave na ng mga kaso ng coronavirus ang nararanasan ng bansa.