Kung ang mga eksperto ng OCTA Research Group daw ang tatanungin malabo pang isailalim sa modified general community quarantine (MGCQ) ang Metro Manila pagdating ng Enero 2021.
Pahayag ito ng mga eksperto matapos sabihin ng Department of Health (DOH) na posibleng ipatupad na ang pinaka-maluwag na quarantine status sa rehiyon sa susunod na taon.
“Depende yan sa trends eh. Kung patuloy na bumaba ang bilang ng kaso, we agree with sinabi ni Usec. (Maria Rosario) Vergeire na mag-MGCQ na tayo by the first quarter, but ang condition niya ay pagbaba ng kaso,” ani Prof. Guido David sa Laging Handa briefing.
Ayon sa eksperto, dapat bantayan ang posibleng “post-holiday surge” o biglang pagtaas ng COVID-19 cases. Ito raw kasi ang dapat pagbatayan sa adjustment ng quarantine status.
Hindi umano malabo na umakyat ng hanggang 500,000 ang total ng coronavirus cases sa bansa kung ngayon pa lang ay isinailalim na sa MGCQ ang Metro Manila, na isa sa mga itinuturing na epicenter ng sakit.
Paalala ng mga researchers, kailangang magtulungan ang publiko at pamahalaan sa pagpapatupad ng minimum health standards para mapanatili ang bumababang trend ng COVID-19 cases.
“Okay naman tumaas ang kaso slowly kasi inevitable yan, pero yung surge hindi automatic yan. Pwede magka-surge kung magpapabaya tayo at hindi susunod sa minimum health requirements,” ani Prof. Ranjit Rye.
“Tatlong buwan na tayong disiplinado at pababa (sa trend ng cases), huwag natin sayangin yung gain,” dagdag ng propesor.
Inirekomenda rin ng mga eksperto na paigtingin ng gobyerno ang testing, isolation at contact tracing strategies para maibsan ang pagkalat ng sakit.
Sa huling tala ng DOH, umabot na sa 431,630 ang total ng COVID-19 cases sa Pilipinas.