Bumaba pa sa 2% ang COVID-19 test positivity rate o porsyento ng mga nagpopositibo ang National Capital Region (NCR).
Ayon sa OCTA Research group ito ang unang pagkakataon na nakapagtala ng pinakamababang COVID-19 positivity rate ang rehiyon mula ng simulan ang testing sa bansa.
Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David, pasok ang 2% daily COVID positivity rate na naitala mula November 11 hanggang 17 sa ideal positivity rate ng US Centers for Disease Control and Prevention na less than 3%.
Bumaba rin ang 7-day average ng new cases sa Metro Manila habang ang reproduction number ng infection ay nasa 0.48.
Nakitaan din ng pagbaba ang incidence rate o ang average daily attack rate ng rehiyon na nasa 2.46 cases sa kada 100,000 population.
Nangangahulugan aniya na nananatiling nasa low risk classification ang rehiyon batay sa ginamit na indicators.