-- Advertisements --

Posibleng paluwagin na umano ang ipinapatupad na quarantine restrictions sa Metro Manila pagsapit ng unang araw ng Hunyo.

Ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, tinatalakay na raw ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) kung gaano na kahanda ang Kalakhang Maynila na ilagay na sa general community quarantine (GCQ).

Dagdag ni Lorenzana, maaaring manatili naman sa kanilang kontrol ang mga lugar na may naitalang kaso ng COVID-19.

“Ang pinag-uusapan naming sa IATF, e mag-GCQ pero ‘yung mga areas na meron pa ring… mga infection baka ‘yun na lang ang ikontrol ng konti,” wika ni Lorenzana.

Kasalukuyang nasa GCQ ang mga lugar na itinuturing na “low risk” sa COVID-19, at pinapayagan din sa nasabing mga area ang pag-operate ng mas maraming mga industriya.

Habang ang Metro Manila, Laguna, Bataan, Bulacan at iba pang mga lalawigan ay nasa ilalim pa ng modified enhanced community quarantine.

Inihayag ni Lorenzana, bagama’t bumababa ang mga naiuulat na kaso araw-araw, dapat pa ring manatili ang mga quarantine measures para maiwasan ang ikalawang bugso ng mga impeksyon.

“We would like to impress in our people ‘yung self-discipline, para masanay sila na ito na ‘yung new normal, na social distancing, wearing of face mask, sanitation,” ani Lorenzana.

Una nang sinabi ng mga health officials na nananatiling nasa “first wave” ng COVID-19 infection sa bansa, ngunit iginiit na nagsimula na raw mag-flatten ang curve ng COVID-19 pandemic sa bansa.