-- Advertisements --
MMDA

Sinuspindi na rin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang expanded number coding scheme ngayong araw kasabay ng malawakang tigil pasada na inorganisa ng ilang transport group.

Sa isang advisory, sinabi ng MMDA na ang suspension ng Expanded Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) ay epektibo ngayong araw kasabay ng pagsisimula ng isang lingong tigil pasada ng mga transport group para tutulan ang public utility vehicle (PUV) Modernization Program.

Pero hindi naman nagbigay ng abiso ang MMDA kung hanggang kailan ang isasagawang suspension ng number coding scheme.

Gayunman, tiniyak ng MMDA na nakahanda sila para magbigay ng libreng sakay sa mga pasahero na posibleng ma-stranded ng isang linggong tigil pasada simula ngayong araw.

Una nang sinabi ng MMDA na magde-deploy ang mga ito ng 25 sasakyan sa mga lugar na maaapektuhan ng tigil pasada.

Mandato ng ahensiya na ipatupad ang mga programa, polisiya at procedures para maabot ang public safety.

Una nang pinalawig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang June 30 deadline para sa mga PUVs na palitan ang kanilang mga sasakyan sa modern jeepneys pero pinalawig ito hanggang Disyembre 31, 2023.

Ang PUV modernization program ay nagsimula noong 2017 na layong mapalitan ang mga lumang jeep sa mga sasakyang mayroong Euro 4-compliant engine para maibaba ang polusyon.

Pero umaaray dito ang mga drivers at operators dahil aabot sa P2 million ang bayad ng isang unit ng modernong jeep.

Nilinaw naman ng mga mga transport officials na puwede pa rin namang mag-operate ang mga traditional jeepneys kapag natapos na ang deadline basta’t sasali ang mga ito sa transport cooperatives para maiwasan ang “on-street competition” sa mga drivers at operators.