-- Advertisements --
GRACE POE

Hinimok ni Sen. Grace Poe ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na kumilos at gumawa ng mas mahusay na panuntunan bilang isang regulator dahil hindi umano sapat ang ipinapataw na multa sa mga lumalabag sa kanilang regulasyon.

Sa isang pahayag, sinabi ni Poe na ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System ay kailangang gumawa ng higit pang paraan upang matiyak na ang mga concessionaires nito ay magampanan ang kanilang mga obligasyon.

Kung matatandaan, pinatawan ng Regulatory Office (RO) ang water concessionaire na Maynilad ng ₱27.48-million na multa dahil sa hindi pag-supply ng tubig sa mga residenteng sineserbisyuhan ng Putatan Water Treatment Plant nito.

Ayon sa senadora, nagkaroon ng water interruptions noong Disyembre ang mga customer sa Las Piñas, Parañaque, Muntinlupa at ilang bahagi ng Cavite at may ilang nakararanas pa rin ng water interruptions ngayong linggo.

Giit ng Senadora na kailangang muling suriin ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System Regulatory Office ang diskarte nito at maunawaan kung bakit hindi ito epektibo.