-- Advertisements --
MWSS water

Nagbabala ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa posibleng kakapusan sa suplay ng tubig sa susunod na taon.

Ito ay kung walang ma-develop na bagong source o pagkukunan ng tubig sa lalong madaling panahon o kung hindi madadagdagan ang suplay ng tubig ayon kay Lee Robert Britanico, MWSS officer-in-charge and regulatory office deputy administrator for customer service regulation.

Sa ngayon, ayon sa MWSS mayroon ng kakapusan sa suplay sa ilang parte ng water concession area hindi lamang sa southern part ng Luzon kundi maging sa Metro Manila at sa parte ng Cavite at Rizal.

Ayon naman kay Jeric Sevilla Jr., communication head ng Manila Water na nagsusuplay sa bahagi ng Metro Manila at Rizal, kumukuha ito ng suplay mula sa Cardona Water Treatment plant maliban pa sa Angat Dam.

Nasa 60 deep wells o balon ang isinasailalim na rin sa rehabilitasyon ng Manila water.

Nakahanda na rin aniya ang service improvement plan mula 2023 hanggang 2027 ngayon pa lamang bago pa man matapos ang long-term source ng tubig mula sa Kaliwa dam.

Inaasahan kasing makukumpleto ang konstruksiyon ng kaliwa dam sa taon pang 2027.

Ayon naman kay Maynilad water supply operations head Engineer Ronaldo Padua, sa ngayon sapat na sapat pa ang kanilang suplay kumpara sa demand sa tubig.