-- Advertisements --

Pormal na iaanunsiyo ngayong weekend ni Juan Manuel “El Dinamita” Marquez ang kanyang desisyon na pagtatapos na ng kanyang career sa boksing.

Ang pagreretiro ng beteranong si Marquez ay isang buwan bago ang kanyang ika-44 na taong kaarawan.

Ngayon pa lamang naniniwala ang maraming analysts na tiyak na raw na sa darating na mga panahon ay iluluklok siya bilang isa sa International Boxing Hall of Famer.

Inabot din sa 64 ang kanyang naging professional fights.

Huling naging laban ni Marquez ay noon pang May 2014 nang talunin niya si Mike Alvarado.

Tinangka niyang magkaroon ng comeback fight hanggang nitong taon pero pabalik balik din ang kanyang injury.

Sa mahigit 20 taon niya sa pagboboksing na nagsimula May 29, 1993, maraming mga bigating pangalan na ang kanyang nakaharap.

Hindi makakalimutan ng mga fans ang makasaysayang apat na beses niyang laban kontra kay Senator Manny Pacquiao.

Tumatak ng husto sa isip ng tao ang brutal knockout na kanyang naitala noong December 2012 nang kanyang patulugin ang Pinoy ring superstar.

Samantala, dahil sa pagreretiro ng Mexican legend, matutuldukan na rin ang pagpipilit ni Pacquiao na magkaroon pa sila ng ikalimang laban na hinahangad sanang gawin sa Pilipinas.

Ang ilan pa sa kanyang nakaharap na dating mga kampeon din ay sina Floyd Mayweather, Timothy Bradley, Manuel Medina, Orlando Salido, Chris John, Marco Antonio Barrera, Joel Casamayor at Juan Diaz.

Sa kanyang mahabang panahon na pakikihamok sa ibabaw ng ring, naging gabay niya sa maraming tagumpay ang isa ring beteranong trainer na si Nacho Beristain.

Isasara ni Marquez ang kanyang “magnificent career” na may record na 56 wins, nasa 40 sa mga ito ay via knockouts, may pito siyang talo at isang draw.