Inilarawan ni Mexican President Andrés Manuel López Obrador na “napakasakit” at “labis niyang ikinalulungkot ang nangyaring truck accident na ikinamatay ng 53 katao.
Aniya, libu-libo pa ang patuloy na isasaalang-alang ang dalang panganib ng kalsada, makatakas lang mula sa kanilang mga lugar.
Marami na umano ang namamatay dahil sa mapanganib na paglalakbay patungo sa border, gayunpaman wala silang makuha na “accurate document”.
Ang US-Mexico border ay ang pinaka-deadliest single crossing sa buong mundo ayon sa data mula sa International Organization for Migration (IOM).
Sa taong ito lamang, hindi bababa sa 650 katao ang namatay sa pagsisikap na tumawid sa border.
Una rito patay ang 53 sa Central American migrants nang mabaligtad ang sinakyang trak sa Mexico.
Mahigit 100 katao ang sakay ng truck nang mangyari ang aksidente.
Sinabi ni Luis Manuel Garcia, head ng Chiapas civil protection agency na ito ang pinakamasamang aksidente na nangyari sa Mexico kung saan hindi bababa sa 58 katao ang nasugatan.
Karamihan umano sa sakay ng trak ay nagmula sa Honduras at Guatemala.
Nauna nang lumabas ang balita na mabilis ang takbo ng truck nang ito ay mabaligtad at bumangga sa pedestrian bridge.
Napag-alaman na ang Chiapas ay ang major transit point ng mga undocumented migrants.
Daan-daang libong mga migrante na tumatakas sa kahirapan at karahasan sa Central America ang sumusubok na tumawid sa Mexico bawat taon.
Marami sa kanila ang nagbabayad ng mga smuggler, na iligal na nagdadala sa kanila sa masikip at mapanganib na mga trak sa mahabang paglalakbay.