-- Advertisements --

DAVAO CITY – Ipinaliwanag ng mga opisyal ng Sta. Cruz Tourism Office kung bakit pinagbabawalan nila na magdala ng ulam na karne ang mga climber o aakyat sa Mt. Apo at dadaan sa Sta. Cruz Trail.

Ayon kay Julius Paner, senior tourism operations officer ng Sta. Cruz, hindi dapat magdala, magluto at mag-serve ng mga pork-related menu para maiwasan ang kontaminasyon ng African swine fever (ASF) sa mga Philippine Warty Pig population na naninirahan sa Mt. Apo Natural Park.

Kung maaalala noong nakaraang Semana Santa, nakita ang endemic Sus Philippensis o Philippine Warty Pig sa isinagawang surveillance at monitoring ng mga personahe Department of Environment and Natural Resources-11 sa lugar.

Inihayag ni Paner na ang ASF ay nananatiling banta sa Davao Region na nagdulot ng matinding pinsala sa swine industry sa nakaraang mga taon dahilan na ipinagbabawal ang pagdala ng ulam na karne sa mga climber. Nakikita kasi ito bilang epektibong pamamaraan para maiwasan ang ASF sa loob ng Mt. Apo Natural Park.

Nilinaw din ni Paner na isa pa lamang itong paalala at hindi pa ito Protected Area Management Board Resolution at hindi rin municipal ordinance.