-- Advertisements --

Dahil natapos na ng Kamara de Representantes ang mga prayoridad na panukala ng Malacañang, tututukan naman nito ang mga isyung nakakaapekto sa mga ordinaryong Pilipino gaya ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin.

Ito ang sinabi ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez isang araw bago muling magbukas ang sesyon ng plenaryo.

Naaprubahan na ng Kamara noong Marso ang 20 panukala na hiniling ng Malacanang na ipasa bago ang sine die adjournment sa Mayo batay sa pag-uusap ng Malacanang, Senado at Mababang Kapulungan.

Ayon kay Speaker Romualdez kasama sa oversight function ng Kamara ang pagsuri sa ginagawang pagpapatupad ng mga batas at polisiya ng gobyerno, ang pagtiyak ng accountability, transparency, at proteksyon sa interes ng publiko.

Sa pagbubukas ng sesyon, tututukan umano ng Kamara ang mga pangunahing isyu na nakakaapekto sa ordinaryong Pilipino gaya ng mataas na presyo ng bilihin, cybersecurity threats na kinakaharap ng mga ahensya ng gobyerno, at ang isyu ng West Philippine Sea.

Sinabi ni Speaker Romualdez na lubhang nag-aalala ang Kamara sa paglaki ng agwat ng farmgate at retail prices ng mga pangunahing bilihin partikular ang bigas.