-- Advertisements --

Nakatakdang maghain ng resolusyon ang Makabayan bloc ng Kamara para paimbestigahan ang mga aberyang nangyari sa ginanap na May 13 midterm polls.

Sa isang pulong balitaan sa Kamara, sinabi ni ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio na kailangan managot ang mga lumabag sa election laws maging ang mga nag-ambag sa pagdungis sa proseso ng halalan.

Para kay Tinio, ang 2019 midterm elections ang pinakamaduming halalan magmula noong 2004 “Hello Garci” elections.

Mismong ang pamahalaan na rin aniya ang garapalang kumikilos upang hindi manalo ang katulad nilang kritiko ng administrasyon.

Bukod dito, malawakan din aniya ang vote buying activities.

Samantala, isinusulong ng Makabayan bloc ng Kamara sa 18th Congress na mapalitan na ang sinusunod na sistema sa halalan sa bansa.

Ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate, itutulak nilang gawing mixed manual at automated ang mga susunod na halalan.

Panahon na aniyang ipatupad ito dahil na rin sa garapalang vote buying at pag-atake sa mga kumakandidatong kritiko ng administrasyon.

Sa oras na gamitin pa rin ang automated election system sa mga susunod na eleksyon, hindi na aniya malabong mangyari na hindi na rin paniwalaan pa ng taongbayan ang kredibilidad at resulta nito.

Inihalimbawa pa ng kongresista ang Germany at Netherlands na kapwa first world country, pero bumalik sa manual elections dahil hindi sigurado ang resulta ng automated elections.