-- Advertisements --

Tiwala ang isang sports official ng bansa na maaayos pa rin ang mga gusot kaugnay sa hosting ng Pilipinas sa 30th Southeast Asian (SEA) Games.

Sa kabila na rin ito ng kaliwa’t kanang isyu na kinakaharap ng Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC) bunsod ng umano’y mga kakulangan lalo pa’t nalalapit na ang pagbubukas ng prestihiyosong sporting event sa Nobyembre 30.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Samahang Weightlifting ng Pilipinas president Monico Puentevella, dapat umanong maplantsa ang nasabing mga kontrobersiya dahil malaking “black eye” daw ito sa Philippine sports kung hindi ito maaayos.

monico puentevella
Samahang Weightlifting ng Pilipinas president Monico Puentevella/ Photo courtesy of Philippine Sports Commission

Hindi rin aniya maganda na puro sisihan at turuan ang ginagawa dahil nakakaapekto lamang ito nang husto sa imahe ng bansa sa buong mundo.

Naniniwala rin si Puentevella na sakaling maging overall champion ang Pilipinas sa SEA Games ay mababawasan daw kahit papaano ang mga sakit sa ulo ng SEA Games hosting ng bansa.

“Tingin ko lang ang makakasalba lang dito [ay kung] manalo tayo overall,” wika ni Puentevella. “Walang problema sa laro eh, [kaya] nating manalo dito [nang] landslide.”

Paliwanag pa ni Puentevella, kagaya ng arnis na isa sa mga posibleng pagmulan ng gold medals ng bansa, magagawa ng Pilipinas na maging overall champion dahil na rin sa homecourt advantage.

Pero aminado si Puentevella na kahit magwagi tayo sa SEA Games ay hindi pa rin umano nito matatabunan ang isyu sa hosting.

Kahit aniya maganda ang performance ng mga Pihoy athletes, posible pa rin managot ang Pilipinas kung hindi maganda ang pangangasiwa nito sa regional showpiece.

Una nang humingi ng paumanhin ang PHISGOC sa ilang naitalang mga aberya at tiniyak na gagawin nila ang lahat para maging matagumpay ang palaro.

Kasabay nito, nanawagan din sila ng pagkakaisa dahil ang reputasyon ng Pilipinas ang nakasalalay rito.