May ginagawa ng hakbang ngayon ang PNP Internal Affairs Service (IAS) upang imbestigahan ang mga impormasyon na isiniwalat ni Retired SPO3 Arthur Lascañas sa ginawang pagdinig ng Senado kamakailan lamang.
Ayon kay PNP-IAS, deputy Inspector General PDir. Leo Angelo Leuterio na may mga bagong impormasyon na lumabas sa testimonya ni Lascanas na kanila na ngayon isinasailalim sa verification and validation.
Sinabi ni Leuterio na gumagana na ang kanilang Fact Finding investigation upang isalang sa validation ang mga pangalan na binanggit ni Lascañas.
Partikular na target nila ay mga pulis na nasa active service pa ngayon.
Kabilang sa mga binanggit na pangalan ay sina PS/Supt Rommel Mitra na ngayon ay Chief Directorial Staff ng PNP Region 3, PS/Supt Antonio Rivera na siyang deputy chief ng Davao City Police at SPO1 Jim Tan.
Habang si SPO4 Sonny Buenaventura ay nagretiro na sa serbisyo.
Nabanggit din ang pangalan nina PS/Supt Vicente Danao ngayon ay Chief Directorial Staff ng CIDG at si PNP chief Police Director Ronald dela Rosa ngunit wala umano ito sa naunang testimonya ni Lascañas.
Paliwanag ni Leuterio, na mahalagang sila ay magkaroon ng kopya ng Authenticated Testimony ni Lascanas na siyang batayan ng kanilang pag-iimbestiga.
Kung hindi man ay ang record ng senate proceedings ang kanilang kukunin para sa isinasagawang imbestigasyon.