CAUAYAN CITY- Suliranin ngayon ng mga Afghans ang pag-withdraw ng kanilang pera sa bangko matapos itong pigilan ng Taliban
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Mr. Qais Zadran, Finance Manager ng isang construction company sa Kabul City, Afghanistan na walang magamit ngayon ang mga Afghans na pambili ng kanilang pangangailangan.
Sa ngayon anya ay magulo ang pamamahala ng mga Taliban dahil hindi pa sila nakakabuo ng pamahalaan at mga miyembro ng Gabinete.
Anya ay bagsak ang ekonomiya ng Afghanistan dahil tumigil na ang pagsuporta ng mga foreign countries at foreign organization.
Sa huling deadline ng pag-alis ng tropa ng mga sundalong Amerikano ay maririnig ang pagdiriwang ng mga Taliban sa pamamagitan ng papaputok ng kanilang mga baril.
Marami anya mga banyaga ang hindi nakaalis sa bansang Afghanistan at nangangamba sa kanilang kaligtasan.
Bagamat nais nilang makaalis sa Afghanistan ay walang flight papalabas ng nasabing bansa.
Maging ang mga Afghans na tumulong rin sa tropa ng Amerika ay nangangamba pa rin sa kanilang kaligtasan.
Sinabi rin ni Zadran na mali ang naunang pamumuno ng Taliban at kung uulitin nila ito sa ikalawang pagkakataon ay kawawa ang mga Afghans.
Marami anyang Afghans ang nais umalis sa kanilang bansa at maging siya ang nais maialis ang kanyang pamilya sa kanilang bansa at lumaki ang kanyang mga anak sa ibang bansa.