Phoenix, Arizona, USA – Nangako si President-elect Donald Trump na ititigil ang tinawag niyang lunacy sa transgender sa unang araw ng kanyang pagkapangulo.
Ang mga Republicans kasi na magkakaroon ng control sa parehong kapulungan ng Kongreso at sa White House, ay patuloy na itinutulak ang paglaban sa mga isyung may kinalaman sa LGBTQ.
Sa isang event sa Phoenix, Arizona, sinabi ni Trump na pipirma siya ng mga executive orders upang wakasan ang child sexual mutilation, alisin ang mga transgender sa militar at sa mga paaralan.
Nangako rin siyang “panatilihin ang mga lalaki sa labas ng sports ng kababaihan” at idineklara na “dalawa lamang ang kasarian, lalaki at babae.”
Sa kaniyang talumpati sa AmericaFest conference, nangako si Trump ng mga agarang hakbang laban sa “krimen ng mga migrante,” at idineklara ang mga drug cartel bilang mga dayuhang teroristang organisasyon. Nangako rin siyang ibalik ang kontrol ng US sa Panama Canal.
Ang mga isyu tungkol sa transgender ay naging mainit na paksa sa pulitika ng US kamakailan, habang ang mga estado na kontrolado ng mga Democrats at Republicans ay nagkakaroon ng magkaibang patakaran.
Noong nakaraang linggo, kasama sa taunang defense budget ng US Congress ang probisyon na nagbabawal sa pagpopondo ng ilang gender-affirming care para sa mga anak ng mga miyembro ng serbisyo.
Sa kanyang talumpati, gumawa si Trump ng malalaking pangako para sa kanyang ikalawang termino at nagbigay ng madilim na larawan ng nakaraang apat na taon sa ilalim ni President Joe Biden at Vice President Kamala Harris.