Sasailalim na sa pre-shipment inspection ang mga agriculture products sa mismong port of origin ng mga ito.
Ang implementasyon sa bagong polisiya ay posibleng sa loob na ng tatlong buwan habang hinihintay pa ang pag-aproba ng Department of Finance.
Pagtitiyak ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na ang isasagawang pre-shipment inspection ay magsisilbing susi para matigil ang mga smuggling activities na nakakasira sa kabuhayan ng mga magsasaka at nagsisilbing banta sa kalusugan ng publiko.
Palalakasin din nito ang border control ng bansa sa gitna na rin ng mga nagsusulputang health at economic challenges dala ng pagpasok ng maraming imported products.
Ang bagong polisiya ng DA ay kasunod na rin ng inaasahang implementasyon ng cold examination facility for agriculture (CEFA) na nakatakda sa susunod na taon.
Ang CEFA ay isang state-of-the-art examination facility para sa lahat ng mga imported products katulad ng mga hayop, isda, mga halaman, at iba pang mga agricultural commodities.
Batay sa plano ng DA, ang unang pasilidad (CEFA) ay itatayo sa Angat, Bulacan.