Nanawagan ang ilang mambabatas na dapat pabilisin ng Bureau of Customs (BOC) at Department of Justice ang pagsasampa ng non-bailable charges ng economic sabotage laban sa mga agricultural smugglers na sinasamantala ang tumaas na demand ng mga consumer tuwing Christmas holidays.
Ito’y matapos nagbabala ang grupo ng mga magsasaka sa gobyerno na mahigit 20 smuggler ang nagdadala ngayon ng mga puti at pulang sibuyas, bigas at frozen meat products sa Pilipinas.
Dapat aniyang i-dismantle ang mga grupong ito at kasuhan ng economic sabotage dahil ito ay non-bailable.
Nauna nang sinabi ni Jayson Cainglet, executive director ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), sa isang pagdinig sa Senado na ang mga smuggler ng sibuyas ay nagdudulot ng kalituhan sa mga lokal na magsasaka, na direktang nag-dispose ng mga ani sa mga pamilihan.
Nauna na ring inihayag ni SINAG president Rosendo So na maraming bagong smuggler ang hindi kasama sa listahan ng mga agricultural smugglers na nauna nang isinumite sa Senado.
Kasalukuyang nakikipagtulungan ang grupo sa Department of Agriculture (DA) at BOC sa pagdiin ng economic sabotage charges laban sa mga indibidwal na sangkot sa pagdadala ng P30 milyong halaga ng smuggled na puting sibuyas na nakumpiska kamakailan sa Manila International Container Port.