-- Advertisements --

Tiniyak ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ang pagtutulungan upang matagumpay na maisagawa ang repatriation sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) na biktima ng human trafficking. 

Kung saan patuloy koordinasyon ng Department of Foreign Affairs, Department of Migrant Workers, Bureau of Immigration at ilan pa sa pagpapabalik muli ng bansa sa mga biktimang Pilipinong manggawa sa Myanmar. 

Maalala na una ng dumating ang magkasunod na dalawang batch ng repatriation na may kabuuang bilang na 206 habang inaasahan naman ang pag-uwi ng ilan pang mga naiwan.

Ang naturang mga Pilipinong manggawa ay hindi lamang biktima ng human trafficking kundi pati illegal recruitment kung saan sila’y idinaan sa backdoor upang makaalis ng bansa. 

Dahil dito hinimok ng Department of Migrant Workers ang publiko na agarang isumbong kung sakali mang makaenkwentro ng ganito. 

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Atty. Bernard P. Olalia, undersecretary ng Department of Migrant Workers, sinabi nitong may kaakibat na panganib ang dulot ng pagpuslit sa backdoor makalabas lamang ng bansa. 

‘Hindi lamang sa nanganib, manganganib ang inyong buhay kundi pati po yung mga mahal ninyo mga kamag-anak dito sa Pilipinas baka mahirapan kayo ma-contact ninyo at mahihirapan po kayong makauwi,’ ani Atty. Bernard P. Olalia, undersecretary ng Department of MIgrant Workers (DMW).

‘At pag’ kayo po ay inanyayahan don, isumbong na po ninyo agad sa Department of MIgrant Workers o sa anumang ahensiya o sa PNP at kami na po ang bahala para po tugusin kung sino man yung miyembro ng sindikato na ito,’ pahayag pa ni Undersecretary Bernard P. Olalia ng DMW.

Dagdag pa niya, dapat umanong dumaan sa tamang proseso ang mga Pilipinong nais magtrabaho abroad dahil may mga insidente rin ng pagsisira sa pasaporte ng isang indibidwal upang hindi na ito muling makabalik ng bansa.