-- Advertisements --
LOVE BORACAY
LoveBoracay/ FB post

KALIBO, Aklan — Nakalatag na ang mga aktibidad kaugnay sa pagdiriwang ng makasaysayang unang anibersaryo ng pagpapasara ng Boracay na pinangalanang “Love Boracay” na magsisimula sa Abril 26 hanggang Mayo 1.

Ang isang linggong selebrasyon na binansagan rin na “Sustainability Week” ay naglalayong maturuan ang mga turista, residente at mga stakeholders sa pangangalaga sa kalikasan at pasasalamat na rin sa pamahalaan sa ginawang anim na buwang paglilinis at rehabilitasyon, upang mapanatili ang pagsigla ng turismo sa bansa.

Kabilang sa mga aktibidad ang Ati-Atihan sadsad o streetdancing at salubungan sa Abril 26 pagkatapos ng Zumba sa beach dakong alas-6:00 ng umaga sa Station 2.

Samantala, sa Abril 28, magkakaroon ng synchronized “Clean Up Day” sa baybayin ng isla mula sa Bolabog Beach sa Ati Village hanggang New Bolabog Road gayundin sa mga interiors ng Barangay Yapak, Manocmanoc at Balabag.

Ayon sa Boracay Inter-Agency Management Group, magtutuloy-tuloy ang iba pang aktibidad kaugnay sa “Love Boracay” hanggang Mayo 1.

Inorganisa ang “Love Boracay” bilang kapalit ng sikat na LaBoracay na humahakot ng libu-libong mga turista taun-taon.