KALIBO, Aklan — Nakalatag na ang mga aktibidad kaugnay sa pagdiriwang ng Love Boracay ngayong taon na magsisimula sa Abril 28 hanggang Mayo 1.
Ayon kay Rex Aguirre, head ng Culture and Arts and Special Events Division ng Malay Municipal Tourism Office na bibigyang halaga sa apat na araw na selebrasyon ang pagiging family-friendly travel destination ng Boracay.
Dahil dito, hindi na magkakaroon ng magdamagang party sa beachfront katulad ng dating nakasanayan.
Kabilang sa mga aktibidad ang pagsasagawa ng Project Prestine, isang clean-up drive sa baybayin ng isla na lalahukan ng iba’t-ibang frontliners association na susundan ng parade of sea and aqua sports assets at open dance contest.
Samantala, sa Abril 29, magkakaroon ng isang family fun run for mental wellness na pangungunahan ni Miss Universe 1999 1st runner-up Mirriam Quiambao at pagkatapos ay ang pagsasagawa ng beach sports katulad ng soccer, volleyball at fribee. Magkakaroon rin ng music and arts festival na susundan ng summer night party.
Sa Abril 30, nakatakda ang bike race at sa Mayo 1 naman ang Paraw Regatta.
Sinabi pa ni Aguirre na magtutuloy-tuloy ang iba pang aktibidad kaugnay sa Love Boracay sa Fiesta de Obrero ang kapistahan ng bayan ng Malay.
Simula ngayong 2023, ang LGU-Malay na ang namamahala ng Love Boracay.
Inorganisa ng Boracay Inter-Agency Management Group ang Love Boracay matapos ang ginawang anim na buwang paglilinis at rehabilitasyon upang maturuan ang mga turista, residente at mga stakeholders sa pangangalaga sa kalikasan at mapanatili ang pagsigla ng turismo sa lugar.
Ang naturang event ay bilang kapalit ng sikat na LaBoracay na humahakot ng libu-libong mga turista taun-taon.