-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Kanselado muna ang lahat ng aktibidad sa loob ng lima hanggang anim na kilometrong danger zone ng Bulkang Bulusan.

Kasunod ito ng naitalang 149 na volcanic quakes sa nakalipas na magdamag.

Sa kalatas na inihatid ng Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (SPDRRMC), pinalawig ang abiso hanggang sa 2-km Extended Danger Zone.

Naghayag naman ng kahandaan ang Office of the Civil Defense (OCD) Bicol sa posibleng augmentation sakaling kailanganin ng Sorsogon PDRRMC.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay OCD Bicol information officer Gremil Naz, tuloy-tuloy ang kanilang close coordination sa mga opisyal sa lalawigan.

Una nang inihayag ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) Director Usec. Renato Solidum na nakatutok ang tanggapan ngayon sa posibilidad ng phreatic eruption sa mga susunod na oras.

Subalit nilinaw ni Solidum na wala pa namang nakikitang senyales ng papaakyat na magma kaya’t hindi pa ikinokonsidera ang pagtataas ng kasalukuyang Alert Level 1 status sa bulkan.