-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Nananatiling normal ang sitwasyon at mga aktibidad ngayon sa lalawigan ng Sorsogon sa kabila ng naitalang walong volcano-tectonic earthquakes sa Bulkang Bulusan.

Ayon kay Sorsogon Tourism Officer Bobby Gigantone sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sa kasalukuyan ay nananatili pa naman sa alert level zero ang naturang bulkan kaya hindi pa ipinagbabawal ang pagpasok ng mga turista sa lalawigan.

Pinapayagan pa naman aniya ang pagpasok sa Bulusan lake subalit inalerto na ang anim na mga bayan na nasa paligid ng bulkan.

Paliwanag ng opisyal na kahit hindi pa nagpapakita ng mas madaming aktibidad ang Bulkang Bulusan ay pinaghahanda na ang mga local chief executives sa posibleng mga ipapatupad na hakbang.

Samantala, ipinangangamba ni Gigantone na kung sakaling magkaroon pa ng malalang aktibidad ang Bulusan volcano ay posibleng maapektuhan nito ang turismo sa lugar.

Nabatid na nasa isang milyon na turista ang target ng Sorsogon province ngayong taong 2023.

Matatandaan na Hunyo 2022 ng huling magkaroon ng eruption ang Bulkang Bulusan.