Papayagan na ng Light Rail Transit (LRT) Line 2 ang mga maliliit na aso at pusa sa loob ng tren simula sa February 1, ngunit hindi ang mga ahas, iguanas, iba pang reptiles at maging ang mga manok.
Sinabi ni Light Rail Transit Authority (LRTA) administrator Hernando Cabrera na ang bagong patakaran ay kasunod ng katulad na hakbang ng Metro Rail Transit (MRT) upang gawing mas pet-friendly ang pampublikong transportasyon.
Ang mga may-ari ng alagang hayop na nagdadala ng kanilang mga aso at pusa sa nasabing tren ay dapat magpakita ng katibayan na ang kanilang mga alagang hayop ay may sapat na bakuna kung saan dapat nasa loob din ng mga carrier at dapat ay may suot na diaper.
Dagdag dito, ang mga may-ari ng alagang hayop ay dapat na sumakay sa huling bagon ng tren.
Una na rito, maaari ding tanggihan ng Light Rail Transit Authority ang pagpasok ng mga alagang hayop na agresibo na maaaring makaabala sa mga sakay na pasahero ng naturang tren.