Nanindigan ang legal counsel ni suspended Bamban Mayor Alice Guo na hindi pa napapatuyan ang mga alegasyon laban sa suspendidong alkalde.
Sa isang panayam, sinabi ni Atty. Stephen David na ang mga alegasyong nagsinungaling si Alice Guo ukol sa kanyang nasyunalidad at pagkatao ay nananatiling alegasyon.
Ayon sa abogado, hindi pa nila nakikita ang mga dokumento mula sa National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa mga tanong sa totoong pagkatao ng suspendidong alkalde.
Sa ngayon aniya, kailangang dumaan pa rin ang mga ito sa masusing beripikasyon.
Giit ng batikang abogado, kung naniniwala ang NBI o mga complainants ang mga naturang dokumento ay ang kanilang magsisilbing ebidensya, kailangan umanong ipresenta ito sa korte.
Saka lamang aniya makakapag-komento ang kampo ng alkalde kung nakita na ang mga naturang dokumento, natukoy, nasuri, at matiyak ang katibayan ng mga naturang dokumento.
Maalalang una nang ibinunyag ng National Bureau of Investigation na iisa ang mga fingerprints nina suspended Mayor Alice Guo at isang Chinese passport holder na kinilalang si Guo Hua Ping.
Maliban sa dalawang kontrobersyal na pangalan, mayroon pang isang tinutunton ngayon na Alice Guo na ayon sa NBI ay kumuha ng clearance noong 2005.