Mariing itinanggi ng Armed Forces of the Philippines ang mga panibago nanaman na mga alegasyon ng China laban sa Pilipinas.
Ito ang binigyang-diin ng hukbong sandatahan kasunod ng paglalabas ng video ng china na nag aakusa sa mga tropa na nakabase sa brp sierra madre ng panunutok umano ng mga baril laban sa mga tauhan ng China Coast Guard sa bahagi ng Ayungin Shoal.
Paglilinaw ni AFP public affairs office Chief Col. Xerxes Trinidad, hindi tinutukan ng mga armas kundi naka-alerto lamang o on guard ang mga tropa sa brp sierra madre dahil sa mga mapanuksong presensya ng china coast guard malapit sa naturang military outpost sa lugar.
Paliwanag niya, standard operating procedure ng tropa na agad na magpatupad ng heightened alert at mas mahigpit na magbantay sa tuwing magkakaroon ng mga foreign vessel na lalapit sa brp sierra madre at lumalabag din sa safe distance protocol nito.
Kasabay nito ay muling iginiit ng hukbong sandatahan na ang buong hanay ng kasundaluhan ay pinamamahalaan ng rules of engagement at malinaw na kumikilos nang may pinakamataas na lebel ng propesyunalismo, at disiplina partikular na sa pagganap sa kanilang misyon na pangalagaan at protektahan ang soberanya at sovereign rights ng pilipinas at maging ang karapatan ng mga pilipino laban sa anumang uri ng banta.
Kaugnay nito ay muli rin binigyang-diin ng AFP ang kanilang commitment sa pagpapanatili ng kapayapaan at istabilidad sa buong rehiyon alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.