Hinimok ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang mga lokal na pamahalaan partikular ang mga alkalde na tumulong sa paglansag sa mga ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na tinawag nitong scam farms.
Ayon kay PAOCC spokesperson Winston Casio, kailangan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na tawagin ang atensiyon ng lahat ng local chief executives kung saan nakabase ang naturang mga scam farms.
Hindi din aniya maitatanggi ang existence o pag-iral ng nasabing mga ilegal na POGO.
Pinuna din ng PAOCC official ang Pagcor sa umano’y kawalan ng monitoring sa mga POGO at iginiit na hindi nagtatapos ang responsibilidad ng gaming regulator sa oras na nakansela na ang permit ng POGO.
Ipinunto pa ng opisyal na dapat makipag-uganyan ang Pagcor sa mga kaugnay na ahensiya ng gobyerno kabilang na ang BI at DILG para matiyak na hindi na mago-operate pa ang mga POGO na nakansela na ang permit.
Ginawa ng opisyal ang pahayga matapos na iulat ng PAGCOR na nasa 250 na POGO ang nago-operate sa bansa nang walang kaukulang lisensiya at posibleng sangkot sa mga iba’t ibang krimen.