Bumalangkas na ang mga alkalde ng probinsiya ng Pampanga ng isang resolution na mariing tumututol sa presensiya ng Philippine offshore gaming operators (POGOs) sa lalawigan.
Ayon kay Pampanga Gov. Dennis Penida na suportado din ang naturang resolution, target aniya ng provincial chapter ng League of Municipalities of the Philippines na ipagbawal ang operasyon ng POGO sa kanilang lalawigan.
Isa sa bahagi ng resolution ay ang apela para sa moratorium ng POGO sa probinsiya hanggang sa tuluyan ng i-ban ito.
Binigyang diin naman ng Gobernador na hindi ang provincial governments kundi ang Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) ang nagmandato sa municipal o city governments na mag-isyu ng letter of no objection (Lono) sa mga kompaniya ng POGO na nais na mag-operate sa probinsiya.
Samantala, sinabi naman ni Pampanga Vice Governor Lilia Pineda, na nagsilbi ding Gobernador bago umupo sa pwesto ang kaniyang anak, na gagawa sila ng kaukulang mga hakbang para maparusahan ang mga lokal na opisiyal at department heads na nakitaan ng kapabayaan kaugnay sa operasyon ng POGO hubs sa probinsiya.
Ang naturang hakbang ng mga opisyal ng Pampanga ay kasunod na rin ng isinagawang raid sa may Porac Pampanga noong Hunyo 4 sa POGO hub na Lucky South 99 Outsourcing matapos makatanggap ang mga awtoridad ng impormasyon kaugnay sa mga ilegal na aktibidad gaya ng sexual trafficking at nagaganap na torture.