-- Advertisements --

ROXAS CITY – Magsusumite ng isang resolusyon sa national Inter-Agency Task Force (IATF) ang League of the Municipalities in the Philippines (LMP) Capiz Chapter na nagmumungkahi ng pansamantalang pagpapatigil ng pagpauwi sa mga returning Overseas Filipinos (ROFs) at locally stranded individuals (LSIs) sa lalawigan.

Ito ang inihayag mismo ni LMP-Capiz Chapter President at Mambusao Mayor Leodegario Jun Labao Jr., sa panayam ng Bombo Radyo.

Sinabi ng alkalde na hirap na ang mga local government units (LGUs) sa pag-accomodate sa mga umuuwing indibidwal lalo na’t hindi na maaaring gamiting quarantine facility ang mga paaralan.

Mas mabuti aniyang hintayin na lamang na makapagpatayo ng sariling real-time polymerase chain reaction (RT-PCR) testing laboratory ang lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Roxas at lalawigan ng Capiz.

Sakaling maipatayo na aniya ang naturang pasilidad ay mas magiging madali ang pagpapauwi sa mga LSIs at ROFs dahil magiging mabilis na rin ang pagpapalabas ng laboratory results.