Pormal ng kinasuhan ng grand jury ng Arizona ang 18 allies ni dating US President Donald Trump dahil sa pagtatangkang baguhin ang resulta ng 2020 election kung saan natalo si Trump laban kay ngayo’y US President Joe Biden.
Kabilang dito sina dating White House chief of staff Mark Meadows at White House aide na si Atty. Boris Epshteyn.
Saklaw ng indictment ng grand jury ng Arizona ang siyam na kaso gaya ng felony counts of conspiracy at fraud and forgery.
Samantala, pinangalanan naman si Trump bilang unindicted conspirator 1. Ibig sabihin, hindi kasama ang dating US president sa mga kinasuhan ngunit hindi rin inaalis ng mga jury na maaaring sangkot si Trump sa umano’y pagbaligtad ng resulta ng eleksiyon sa Arizona state ng mga kaanib nito sa pulitika.
Kung matatandaan, nanalo ng higit 10-K na boto si Biden laban kay Trump sa Arizona state noong 2020 election kung saan tinuturo ang mga kaalyado ni Trump na nanguna sa fake elector scheme para baligtarin ang resulta ng naturang eleksiyon.