ILOILO – Hindi bakas ang takot sa mukha ng mga residente sa Estados Unidos sa kabila ng banta ng paghihiganti ng Iran matapos na mamatay ang isa sa prominenteng Iranian Military Official sa isinagawang air strike sa Baghdad Iraq.
Ayon kay Bombo International Correspondent Alex Vidal direkta sa Estados Unidos, tila nakasanayan na ng mga Amerikano ang sitwasyon sa lugar dahil nananatili silang kalmado sa kabila ng mga banta ng Iran.
Ayon kay Vidal, ang tanging ikinababahala lamang ng gobyerno ay ang Amerikano na nasa Middle East at gayundin ang mga militanteng taga suporta ng Iran na nasa Estados Unidos.
Ani Vidal, hindi malayong totohanin ng Iran ang banta ng paghihiganti ngunit walang nakakaalam kung kailan ito mangyayari, kinakailangan lamang na maging alerto ang mga residente sa posibleng pag atake ng Iran na itinuturing na pinakamalakas na kaaway ngayon ng Estados Unidos.
Sa kabila nito, siniguro ng US Government na mahigpit na ipinapatupad ang pagbabantay sa paligid at mas lalo pang pinalakas ang security system sa lugar.