-- Advertisements --

Hindi na rin nakaligtas ang mga anak na babae ni Russian President Vladimir Putin matapos na magpataw pa ng panibagong mga sanctions ang Estados Unidos sa Russia.

Kaugnay pa rin ito sa mas lumalalang sigalot sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Target ng mga bagong sanctions na ito ang mga anak ni Putin na sina Mariya Putina at Katerina Tikhonova, gayundin ang iba pang miyembro ng Russian elite, kabilang na asawa at anak ni Foreign Minister Sergei Lavrov, Russian Prime Minister Mikhail Mishustin, at former president at prime minister Dmitry Medvedev.

Kabilang din ang Sberbank, na pinakamalaking financial institution ng Russia, at ang Alfa Bank, na pinakamalaking bangko sa Russia sa mga pinatawan ng mas pinaigting pang mga kaparusahan.

Bukod dito ay magsasagawa din ng aksyon ang Treasury Department na hahadlang sa bagong investments U.S. entities sa Russia, at magpapataw din ito ng bago at malawak na mga parusa sa ilang negosyong pag-aari ng estado.

Nakatakda namang lagdaan ni U.S. President Joe Biden ang isang executive order na magbabawal sa mga bagong investment ng sinumang U.S. person sa Russia.

Samantala, inaasahan naman na ia-anunsyo na ng European Union ang kanilang magiging desisyon hinggil sa rekomendasyong ipagbawal na dito ang coal imports mula sa Russia bilang bahagi ng plano ng Western allies na pigilan ang Moscow na kumita upang tustusan ang ginagawang pagsalakay nito sa Ukraine.