-- Advertisements --

VIGAN CITY – Hindi umano magbabago ang desisyon ng ilang kongresista na hindi sang-ayon sa pagsasabatas o pagbabalik ng parusang bitay sa bansa.

Ito ay kahit na mayroon nang umuugong na balita na posibleng maaprubahan na ito sa susunod na 18th Congress dahil sa nabubuong “super” majority sa Senado na pabor sa nasabing panukala.

Sinabi sa Bombo Radyo Vigan ni Buhay Partylist Rep. Lito Atienza na kahit kailan umano ay hindi nito sasang-ayunan ang pagbabalik ng parusang bitay dahil masama umano ang epekto nito, lalo na sa mga kabataan.

Ayon kay Atienza, ang parusang bitay umano ang magdadagdag lamang sa mga karahasan na nangyayari sa bansa at posibleng darating na sa punto na masanay na ang mga Pilipino mayroong namamatay kada araw.

Hinimok nito ang kaniyang kapwa mambabatas na kung maaari ay pagtuunan na lamang ng pansin kung ano ang mga dapat na gawin upang mapabuti pa ang justice system sa bansa at kung paano mahuhuli ang mga tunay na kriminal sa bansa, kagaya na lamang ng mga bigtime drug lords.