KORONADAL CITY – Pahirapan pa rin ang mapagkunan ng malinis na inuming tubig sa lungsod ng Surigao na lubos na naapektuhan ng bagyong Odette.
Ito ang ibinahagi ni Ginang Grace Calagui, guro sa Saint Paul University sa Surigao City sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Ginang Calagui, hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring kuryente sa kanilang lugar at sa katunayan walang mga available na mga ATM machines at mga water refilling stations na maaaring pagkunan ng malinis na inuming tubig.
Sa kanyang pagtaya ay nasa 97% ang sinira ni Odette sa buong lungsod kung saan libo-libong pamilya sa ngayon ang nawala ng tirahan at nanatili sa evacuation center.
Maging umano sa kanilang paaralan ay may mga evacuees na nanatili sa gym kahit na nilipad ang bubong sa lakas ng hangin.
Maliban dito, tumaas din ang presyo ng mga bilihin lalo na sa mga negosyanteng may nasagip pa sa kanilang mga paninda.
Sa ngayon, patuloy ang panawagan ng tulong ng mga apektadong residente sa lugar.